Select Page

Mga Benepisyo Ng Pagkain Ng Sampalok O Tamarind Sa Katawan

KAALAMAN TUNGKOL SA SAMPALOK BILANG HALAMANG GAMOT

Scientific name: Tamarindus officinalis Gaertn.; Tamarindus indica Linn.; Tamarindus occidentalis Gaertn.; Tamarindus umbrosa Salisb.

Common name: Sampalok (Tagalog); Tamarind (Ingles)

Ang sampalok ay isang malaking puno na karaniwang tanim sa mabababang lugar at maging sa mga lungsod at bakanteng lote. Karaniwan ding makikita ang malalaking punong ito sa mga gilid ng lansangan bilang halamang ornamental. Ang mga dahon nito ay maliliit ngunit kumpol-kumpol kung tumubo habang ang bunga naman nito na maasim ay pahaba ay umbok-umbok. Karaniwang ginagamit ang bunga nito na pampaasim sa lutuing sinigang, o kaya naman ay minamatamis upang makain na parang kendi.

 

ANO ANG MGA SUSTANSYA AT KEMIKAL NA MAAARING MAKUHA SA SAMPALOK?

Ang iba’t ibang bahagi ng halamang sampalok ay maaaring makuhanan ng maraming uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:

  • Ang halamang ay may taglay na langis, citric, acetic, butyric at oxalic acids, tannin at pectin.
  • Mayroon ding carbohydrates, at mahahalagang mineral na potassium, phosphorus, calcium at magnesium
  • Ang laman ng bunga ay mayroong citric acid, tartaric acid, malic acid, bitartrate of potash, sugar, gum, vegetable jelly (pectin), parenchyma, at tubig. Mayaman din sa vitamin B at C ang bunga nito.
  • Ang balat ng kahoy ay mayroon namang tannin

ANONG BAHAGI NG HALAMAN ANG GINAGAMIT BILANG GAMOT, AT PAANO GINAGAMIT ANG MGA ITO?

Maaaring gamitin bilang gamot ang ilang bahagi ng halaman tulad ng:

  • Dahon. Ang dahon ay maaaring ilaga at inumin at ipanghugas sa bahagi ng katawan na apektado ng sakit. Maaari din itong dikdikin at gamitin bilang pantapal.
  • Bunga. Ang bunga ay maaaring durugin at ihalo sa inumin upang makagamot. Ang pagkain din mismo sa bunga ay mabisa para sa ilang kondisyon.
  • Balat ng kahoy. Ang balat ng kahoy ng puno ng sampalok ay maaaring ilaga at ipainom sa may sakit. Maaari din itong durugin at ipantapal sa balat.
  • Buto. Ang buto ay kadalasang dinudurog at nilalaga at ipinapainom sa may sakit.

ANO ANG MGA SAKIT NA MAAARING MAGAMOT NG SAMPALOK?

1. Lagnat.

Maaring ipanligo o ipampunas sa pasyenteng may lagnat ang pinaglagaan ng dahon ng sampalok. Makatutulong ito na mapababa ang lagnat ng pasyente. Makatutulong din ang pag-inom sa dinurog na laman ng bunga ng sampalok na hinalo sa tubig.

 

2. Hirap sa pagdumi.

Isang mahusay na pampalambot ng dumi ang pagkain sa hinog na bunga ng sampalok na sasabayan pa ng isang baso ng tubig.

 

3. Hika.

Makatutulong para maibsan ang mga sintomas ng hika ang pag-inom sa pinaglagaan ng tinadtad na balat ng kahoy ng sampalok. Iniinom ito pagkatapos kumain at bago matulog.

 

4. Pigsa.

Ang dinurok na balat ng kahoy ng sampalok ay mabisang pantapal sa balat na apektado ng pigsa.

 

5. Pamamanas sa mga kasukasuan at sakong.

Maaari ding ipantapal sa kondisyon ng pamamanas sa mga kasukasuan at paa ang dinikdik na dahon ng sampalok upang maibsan ang kondisyon.

 

6. Sore throat.

Ang tubig na pinagbabaran ng bunga ng sampalok ay maaaring ipangmumog upang maibsan naman ang kondisyon ng sore throat. Makatutulong din ang pagmumumog sa pinaglagaan ng balat ng kahoy ng puno ng sampalok.

 

7. Rayuma.

Pinangtatapal naman ang dinurog na murang dahon ng sampalok sa mga kasukasuan na nananakit dahil sa rayuma.

 

8. Pagtatae.

Iniinom naman ang katas ng dahon ng sampalok upang malunasan ang nararanasang pagtatae. Ang pag-inom sa pinaglagaan ng dinurog na buto ay mabisa rin para sa kondisyon ng pagtatae.

 

Source: http://kalusugan.ph/

About The Author

Leave a reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Advertisement

Web Hosting